Anhirap maipit sa trapik. Andun ka sa lang upuan mo habang inaantay mong maubos ang iyong napakaimportanteng oras sa napakawalang kwentang bagay. Kung meron mang makabuluhang pwedeng gawin habang nasa trapik, ‘yun ay ang pamamasyal ng daliri sa ilong at perpektong pagbilog ng kulangot para maging hugis sago. At pag hindi perpekto ang pagkakabilog, pwede mong ipahid sa katabing upuan para may isa na namang kaluluwa ang mapapasigaw ng ‘Hesusmaryosep’ at muling manumbalik-loob sa panginoon. Meron ka na namang isang kaluluwang naisalba. Plus point ka kay Papa Jesus pag ganun.
Pagkatapos ng trapik ay mahaba-haba namang lakaran papuntang opisina. At sa tulad kong nasa Makati, hindi ka pwedeng magmadaling tumakbo. Guwardiyado ang bawat kilos mo at may mga K9 units sa bawat kanto. Pag tumakbo ka at may pasaway na sumigaw ng ‘Magnanakaw!’, malas mo, dahil ikaw ang kauna-unahang almusal ng mga asong mas malaki pa kay Scooby Doo.
Mamya madadaanan ko ulit ang mga bulag na kumbatsero na tumutugtog ng mga kantang kapanahunan ni Kuya Germs sa ibaba ng Landmark Makati. Maghuhulog ako ng piso sa donation box kasabay ng isang payak na panalangin na sana bukas, ibang awit naman maliban kina Imelda Papin at Aegis ang kanilang awitin. Pwede naman ang ‘Hit Me Baby One More Time’ ni Britney Spears o kaya ay’Kagat Labi’ ng Eat Bulaga. ‘Yung isang tambolera nga nila alam kong may potential, pwedeng ipangtapat sa drummer ng Kamikazee. Paniwala ko kasi, kahit mga bulag, may karapatan ding mag-showbiz. Sabi nga ni Happy Slip, ‘Fame is being at the right place, at the right time’. At malay mo, dagdagan ko pa ng dalawang piso ang hinuhulog ko.
At pagdating sa opisina, pukpukan na naman sa trabaho. Suwerte ng kumpanya ko sa akin. Saan ka pa makakahanap ng tulad kong mabait, matalino at kapaki-pakinabang. Di tulad ng boss kong pumapasok lang sa opis para maghapong ngumatngat ng butong pakwan.
At sa maghapon, kelangang makibagay sa iba’t ibang klaseng tao meron sa opisina. May mga taong di makatingin ng diretso pag kausap. Ganung ganun ‘yung isa kong kaopismeyt. ‘Uy musta na? Life is great ‘no?’, tuwang tuwang kinakamayan ako habang sa kisame nakatingin. Gustong gusto ko ngang hawakan sa ulo at iayos ang direksiyon.
At pagkatapos ng maghapong trabaho sa opisina, muling sasakay pauwi, at magbakasakaling hindi matatrapik, tulad ng pagbabakasakaling pumuti ang betlogs sa patuloy na paggamit ng papaya soap. Asa ka pa. Muli, mangungulangot at magsasalba ng kaluluwa. Kung hindi naman trip ang magpahid ng kulangot sa katabing upuan, pwede mong ipahid sa panyo ang mga nalikom na kulangot at gawing ‘connect-the-dots’ mamya pagdating sa bahay pag di ka na busy. Malay mo makabuo ka ng isang hugis giraffe, may maituro kang kapakipakinabang sa pamangkin mo tungkol sa kalikasan. Maliban sa pag-dial sa ilong, wala na akong maisip na ibang pwedeng magawa pag trapik. Owell, pwede kang mag-imagine na katabi mo lahat ng miyembro ng EB Babes na pinapaypayan ka, minamasahe at sinusubuan ng ubas, pero dahil nagbabasa nitong blog ang BebeKo, sasabihin kong hindi ko gawain ‘yun.